Walang nakatakdang paglagda sa anumang kasunduan kaugnay ng US-led Pax Silica Initiative sa pagbisita ni United States President Donald Trump sa Pilipinas.
Kinumpirma ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bago ang bilateral meeting nila ni Trump sa Malacañang, nang tanungin ng mga mamamahayag kung kabilang sa kanilang agenda ang paglagda sa isang framework agreement para sa nasabing inisyatiba.
Una nang sinabi ni US Ambassador to the Philippines Lee Lipton na walang isasagawang signing ng kasunduan. Kinumpirma rin ito ni Marcos at nilinaw na hindi kabilang sa mga tatalakayin sa kanilang pagpupulong ang Pax Silica.
Gayunman, hindi nangangahulugang tuluyan nang isinasantabi ang planong kasunduan.
Ayon sa naunang pahayag ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez, kailangan pang plantsahin ng Pilipinas at Estados Unidos ang ilang detalye bago tuluyang maisapinal ang kasunduan.
Samantala, sinabi rin ni Department of Trade and Industry Undersecretary Ceferino Rodolfo na nananatiling target na malagdaan ang legal framework ng Pax Silica bago matapos ang 2026.
Layunin ng Pax Silica Initiative na patatagin ang supply chain ng mga pangunahing teknolohiya, kabilang ang semiconductors at artificial intelligence (AI).








