Nagpaalala ang isang eksperto sa publiko na hindi lamang ang mga namamalimos ang maaaring managot sa ilalim ng Presidential Decree (PD) No. 1563 o mas kilala bilang Mendicancy Law, kundi maging ang mga taong nagbibigay ng limos sa kanila.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Mary Elaine Senica Barlolong | Private Legal and Tax Practitioner, Ipinaliwanag nito na maaaring maparusahan ang mga taong namamalimos, gayundin ang sinumang direktang nagbibigay ng limos na maaaring makahikayat sa pagpapatuloy ng pamamalimos.
Ayon kay Barlolong, ipinasa ang nasabing batas noong Hunyo 11, 1978 sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 1563. Sa kabila ng matagal na panahon mula nang maisabatas ito, nananatili pa rin itong mahalaga, lalo na tuwing kapaskuhan kung kailan dumarami ang mga namamalimos sa mga lansangan at pampublikong lugar.
Sa ilalim ng naturang batas, maaaring patawan ng multang hindi lalampas sa ₱500, pagkakakulong, o pareho ang mga mapatutunayang namamalimos. Para naman sa mga itinuturing na habitual mendicants o dalawang beses o higit nang nahatulan dahil sa pamamalimos, maaaring umabot sa ₱1,000 ang multa o hindi hihigit sa apat na taong pagkakakulong, o pareho. Maaari ring pagmultahin ng ₱20 ang sinumang mapatutunayang direktang nagbibigay ng limos sa ilalim ng nasabing batas.
Gayunman, nilinaw ni Barlolong na hindi nangangahulugang dapat basta na lamang parusahan ang lahat ng taong nakikitang namamalimos, lalo na ang mga menor de edad.
Binigyang-diin din niya na kung may mga magulang o grupong gumagamit sa mga bata upang manghingi ng pera, maaari ring pumasok ang iba pang batas gaya ng Presidential Decree No. 603 o Child and Youth Welfare Code at Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, depende sa mga pangyayari.
Kaugnay nito, ipinaliwanag ng abogado na mahalaga ang koordinasyon ng Philippine National Police (PNP), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at mga lokal na tanggapan ng social welfare upang matiyak na dumaraan sa wastong proseso ang paghawak sa mga kasong may kinalaman sa pamamalimos.
Kabilang sa maaaring ibigay na interbensiyon ng pamahalaan ang counseling, social casework, skills training, livelihood assistance, family intervention, pansamantalang tirahan, at tulong pang-edukasyon, depende sa pangangailangan ng bawat indibidwal.
Nagpaalala pa ito na mahalagang maunawaan ng publiko hindi lamang kung ano ang ipinagbabawal ng batas, kundi pati ang dahilan kung bakit ito umiiral at kung paano ito magagamit upang maprotektahan ang kapwa.








