Nauna na umanong tumaas ang presyo ng karamihan sa mga pangunahing bilihin sa mga pamilihan bago pa man ang anunsyo ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association (PAGASA) tungkol sa inaasahang pagtaas ng ilang produkto ngayong araw.
Ayon kay Amihan Mabalay ng Samahan at Ugnayan ng mga Konsyumer para sa Ikauunlad ng Bayan (SUKI Network), matagal nang nagmamahal ang mga bilihin sa mga pamilihan.
Aniya, na-monitor nila ang pagtaas hindi lamang sa mga supermarket kundi maging sa mga palengke sa iba’t ibang lugar.
Giit ni Mabalay, madalas sinasabi ng ilang manufacturer na hindi sila magtataas ng presyo, ngunit limitado lamang umano ito sa ilang varieties ng produkto at hindi sa kabuuang produkto na binibili ng publiko.
Dagdag pa niya, may mga pagkakataon ding kusang nagtataas ng presyo ang ilang tindahan dahil sa external factors na awtomatikong ipinapasa sa mga konsyumer.
Bagama’t maliit lamang umano ang ilang pagtaas, kapag madalas itong nangyayari ay ramdam pa rin ito ng mga mamimili sa kabuuang gastusin sa araw-araw.














