Ipinagtanggol ng Malacañang ang pagtatalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay dating Budget Secretary Amenah Pangandaman bilang Chairperson at Chief Executive Officer ng Al-Amanah Islamic Investment Bank of the Philippines, sa kabila ng pagkakadawit ng kanyang pangalan sa kontrobersiya kaugnay ng mga flood control project.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, wala pang kasong naisasampa laban kay Pangandaman. Aniya, malaya ang sinuman na magsampa ng reklamo kung mayroon silang sapat na ebidensya.
Binigyang-diin din ni Castro na ang bagong posisyon ni Pangandaman ay hindi nangangahulugang wala na itong pananagutan sakaling may mapatunayang paglabag.
Iginiit pa ng Palasyo na bukas ang administrasyon sa pag-iimbestiga sa sinumang opisyal ng pamahalaan, kabilang ang mga kaalyado, kamag-anak ng Pangulo, at mga miyembro ng Gabinete.
Matatandaang nagbitiw si Pangandaman sa Gabinete noong Nobyembre 2025 upang maiwasan ang anumang impluwensya sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng mga kontrobersyal na flood control projects.














