NAGA CITY – Tikom pa rin ang bibig ng pamilya Andaya sa sanhi ng umano’y pagpapakamatay ni dating Camarines Sur 4th District Rep. Cong. Atty. Rolando “Nonoy” Andaya Jr.
Mababatid, dakong alas-7 ng umaga kanina nang matagpuan ang wala nang buhay na katawan ng dating kongresista sa loob mismo ng silid nito sa Andaya’s Residence, Avocado St. Corner Pomelo St. Saint Jude Orchard, Concepcion Grande, Naga City.
Sa pahayag naman ng Police Regional Office (PRO)-5, napag-alaman na natagpuan na lamang ang biktima ng kaniyang assistant na nakabulagta at may tama ng bala ng baril sa kanang bahagi ng kaniyang ulo.
Kaugnay nito, nagpahayag naman ng kaniyang pagdalamhati sa insidente si Pili Mayor Tom Bongalonta, isa sa mga malalapit na kaalyado ni Andaya, sa panayam naman ng Bombo Radyo Naga.
Aniya, labis umano nitong ikinalungkot nang makarating sa kaniya ang impormasyon sa pagkamatay ng dating opisyal kung saan mayroon ding nagsi-iyakan na mga residente ng bayan ng Pili sa lalawigan ng Camarines Sur.
Sa kabila nito, inilarawan naman ng alkalde si Andaya bilang “malaking kawalan” sa kanilang lugar lalo pa’t ito ang kanilang katuwang sa pakikipaglaban sa mga isyu sa lupa.
Sa ngayon, mahigpit naman ang pakikipag-ugnayan ng mga awtoridad sa pamilya para sa isinasagawang imbestigasyon.
Samantala, maliban sa pagiging kongresista ng ikaapat na distrito, si Andaya ay nagsilbi ring Budget secretary noong administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Sa ngayon, pakinggan natin ang bahagi ng pahayag ni Pili Mayor Tom Bongalonta.