NAGA CITY – Nag-negatibo sa Omicron ang buong pamilya ng isa sa pinakaunang kaso ng nasabing variant sa Camarines sur na naitala sa bayan ng Bombon.
Ito’y kasunod ng isinagawang test ng Bicol Medical Center (BMC) sa mga close contacts ng 27 anyos na pasyente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt. Fatima Lanuza, hepe ng Bombon MPS, sinabi nito na natuwa sila sa resulta ng nasabing test ngunit huwag pa rin aniyang maging kampante dito.
Dahil dito, mas papalakasin pa aniya ng mga awtoridad ang kanilang kampanya upang mahimok ang mga residente na magpabakuna laban sa virus.
Binigyang-diin din ng opisyal an kahalagahan ng pagpapabakuna ng booster shots lalong-lalo na sa mga nakatanggap na ng 2nd dose ng bakuna.
Mababatid na nakatanggap na ng sinovac vaccines ang pasyente ngunit nagpositibo pa rin ito sa virus.
Ani Lanuza, upang maiwasan ang hawaan, agad na nagsailalim sa mahigpit na quarantine at monitoring ang pasyente sa kasagsagan ng holiday season sa ilalim ng pangangalaga ng Rural Health Unit (RHU).
Kaugnay nito, mas pinahigpit pa sa nasabing bayan an pagpapatupad ng mga health protocols at hindi na rin pinapayagan na lumabas pa sa kanilang mga bahay ang mga bata, senior citizens at persons with comorbidities.
Sa ngayon, zero active cases na ng COVID-19 ang naturang bayan.