Ipinahayag ng pamilya ng yumaong dating Senate President Juan Ponce Enrile ang kanilang kalungkutan at pagkadismaya sa mga pahayag ni Senate President Alan Peter Cayetano hinggil sa umano’y malapit nilang relasyon.
Ayon kay Katrina Ponce Enrile, sa kanilang opisyal na pahayag, iginiit ng pamilya na ang tunay na ugnayan ay hindi nasusukat lamang sa mga salitang binibitawan sa publiko, kundi sa presensya, sinseridad, at tahimik na pagpapakita ng respeto lalo na sa panahon ng pagdadalamhati.
Binanggit din nila na sa necrological services sa Senado at sa mga araw ng pagluluksa, napansin umano nila kung sino ang dumalo at kung sino ang hindi, na naging batayan ng kanilang saloobin.
Dahil dito, sinabi ng pamilya na ang mga pahayag tungkol sa pagiging malapit sa dating Senate President ay nagdulot ng “kalungkutan at pagkadismaya.”
Dagdag pa nila, ang pamana at sakripisyo ni Enrile ay hindi dapat muling binabanggit lamang kung ito ay kapaki-pakinabang sa pulitika o sa pampublikong imahe.
Sa kabila ng kanilang saloobin, nanindigan ang pamilya na patuloy nilang isusulong ang “grace and restraint” na ipinamalas ni Enrile sa kanyang mahabang serbisyo sa gobyerno.
Nanawagan din sila na ang sinumang babanggit sa pangalan ng dating Senate President ay gawin ito nang may katapatan, konsistensya, at tunay na paggalang.














