NAGA CITY- Labis ngayon ang nararamdamang kasiyahan ng pamilya ni Rear Admiral Adeluis Bordado matapos itong maitalaga bilang Field Officer In Command (FOIC), ng Philippine Navy (PN).

Mababatid na pinalitan nito sa pwesto ang magreretiro nang si Vice Admiral Giovanni Carlo Bacordo.

Kaugnay nito, sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Lourdes Salem Bordado Parato, bunsong kapatid ni Adeluis, sinabi nito na nabigla na lamang ang mga ito nang malamang si Adeluis nga ang bagong naitalagang FOIC ng Phil Navy.

Ayon kay Lourdes, labis din ang tuwang naramdaman ng kanilang ama ng malaman ang kaniyang promosyon.

Aniya, hindi ito gaanong makuwento tungkol sa nangyayari sa kaniyang buhay na inilarawan pa ng kapatid nito bilang isang mapagkumbabang tao.

Kaugnay nito, si Rear Admiral Adeluis Bordado, 55-anyos, ay tubong Calabanga, Camarines Sur, pangatlo sa anim na magkakapatid ngunit, nakapangasawa ito ng taga-Bulacan at dito nagkaroon ng isang anak.

Samantala, lumaki na itong achiever at batid ng mga nakakakilala si Adeluis na pursigido at simpleng tao.