Nanawagan si Senador Mark A. Villar ng mas mahigpit na hakbang laban sa rabies at pinalakas na animal welfare policies kasabay ng paggunita ng Rabies Awareness Month ngayong Marso.
Binigyang-diin ni Villar na nananatiling seryosong banta ang rabies sa bansa kahit ito ay ganap na maiiwasan. Aniya, umaabot sa 300 hanggang 400 Pilipino ang namamatay taon-taon dahil sa sakit, habang tinatayang may 4 milyong animal bite cases kada taon.
Ipinakita rin ng senador ang pagtaas ng bilang ng namamatay mula 235 noong 2020 hanggang 300 noong nakaraang taon. Dagdag pa rito, lumobo ang bilang ng arawang konsultasyon sa San Lazaro Hospital mula 800 hanggang higit 3,000, na nagdudulot ng matinding pressure sa health personnel at suplay ng bakuna.
Bilang tugon, muling isinusulong ni Villar ang Senate Bill No. 255 o Animal Medical Center Act, na naglalayong magtayo ng public veterinary clinics sa bawat lungsod at munisipyo para sa abot-kayang bakuna, preventive care, at spaying o neutering. Suportado rin niya ang Senate Bill No. 591 na nagtataguyod ng animal adoption sa pamamagitan ng pagbibigay ng insentibo.
Ibinahagi rin ng senador ang personal na karanasan ng kanyang pamilya sa pag-aampon ng aso mula sa PAWSsion Project noong 2024, at hinikayat ang publiko na isaalang-alang ang pag-aampon ng stray animals.
Sa huli, iginiit ni Villar ang pangangailangan ng konkretong aksyon mula sa pamahalaan at mamamayan upang mapalakas ang animal welfare laws at tuluyang mapigilan ang pagkalat ng rabies sa bansa.








