Mariing kinondena ni Masoud Pezeshkian ang umano’y pagtama ng missiles ng Israel at Estados Unidos sa ilang medical centers sa Iran, na aniya’y maituturing na isang “crime against humanity.”
Ayon sa pangulo, ang pag-atake sa mga pasilidad na pangkalusugan ay malinaw na paglabag sa mga internasyonal na batas at prinsipyo ng makataong pagtrato, lalo na sa panahon ng sigalot.
Nanawagan si Pezeshkian sa mga pandaigdigang organisasyon tulad ng World Health Organization (WHO), International Red Cross and Red Crescent Movement, at Doctors Without Borders, pati na rin sa mga doktor sa buong mundo, na magsampa ng kaso at manawagan ng pananagutan laban sa mga responsable sa naturang pag-atake.
Magugunitang sa naturang opensiba ng US at Israel ay lubhang napinsala ang Pasteur Institute, isang kilalang medical research facility sa Iran, na lalo pang nagpalala sa sitwasyon ng serbisyong pangkalusugan sa lugar.
Sa ngayon, patuloy ang panawagan ng Iran para sa imbestigasyon at hustisya kaugnay ng insidente.














