Hiniling ng abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III na sumailalim muli ang dating pangulo sa medical examination upang matukoy kung siya ay pisikal at mental na handa para sa pagdinig ng kasong crimes against humanity laban sa kanya.
Sa pitong-pahinang mosyon na may petsang Mayo 25, sinabi ng defense counsel na si Peter Haynes na ang naunang pagsusuri ay isinagawa lamang noong pre-trial stage. Dahil nalalapit na ang pormal na paglilitis, iginiit niyang mahalagang muling masuri ang kalagayan ng 81-anyos na dating pangulo.
Ayon sa depensa, tungkulin ng korte na regular na suriin ang kakayahan ng akusado na humarap sa paglilitis, partikular kada 120 araw o kapag may kahilingan mula sa alinmang panig, upang mapangalagaan ang kanyang karapatan sa isang makatarungang proseso.
Binigyang-diin din ni Haynes na pinahihintulutan ng mga alituntunin ng ICC ang korte na mag-utos ng panibagong medical, psychiatric, o psychological evaluation kung kinakailangan.








