Isang patrol car ng Rajah Buayan Municipal Police Station ang pinasabugan ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Barangay Sapakan ngayong araw, ayon sa ulat ng pulisya.
Ayon sa paunang impormasyon, rumeresponde ang mga pulis sa bahay ng Municipal Administrator matapos makatanggap ng ulat hinggil sa naunang pagsabog sa nasabing lugar. Habang binabaybay ng mga awtoridad ang kalsada patungo sa kanilang destinasyon, bigla na lamang naganap ang panibagong pagsabog na tumama sa kanilang sasakyan.
Sa kabila ng insidente, kinumpirma ni Police Captain Steffi Salanguit, tagapagsalita ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR), na walang nasugatan sa hanay ng pulisya.
Patuloy pang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang mga responsable sa insidente at ang motibo sa likod ng pambobomba. Hinihintay din ang karagdagang detalye kaugnay ng pangyayari.








