Patuloy na nararanasan ng mga tsuper ng jeep sa bayan ng Libmanan ang hirap dulot ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng krudo, na lubhang nakaaapekto sa kanilang pang-araw-araw na kabuhayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Eddie Cao, Miyembro, Libtrasco isang beteranong tsuper, sinabi nito na mahigit 25 taon nang namamasada sa ilalim ng kanilang kooperatiba, hindi na sapat ang kanilang kinikita upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya. Aniya, umaabot lamang sa 300 hanggang 400 piso ang karaniwang naiuuwing kita kada araw, at sa pinakamataas ay humigit-kumulang 600 piso. Sa ilang pagkakataon, bumababa pa ito sa 150 piso.

Dagdag pa niya, malaking bahagi ng kanilang kita ang napupunta sa krudo. Umaabot umano sa 250 hanggang 270 piso ang kanilang gastos sa gasolina sa bawat pasada, depende sa presyo sa mga gasolinahan.

Sa kabila nito, patuloy pa rin silang bumibiyahe upang may maipantustos sa kanilang pamilya.

Advertisement

Samantala, may ilang miyembro ng kanilang kooperatiba ang nakilahok sa isinagawang transport strike, bagamat may ilan ding hindi sumama dahil sa pangangailangang kumita. Ayon sa tsuper, mahalaga ang maagang abiso mula sa kanilang pamunuan upang makapagdesisyon kung sasama o hindi sa welga.

Naniniwala rin siya na maaaring maging epektibo ang transport strike kung ito ay susuportahan ng nakararami, lalo na kung ang layunin ay mapababa ang presyo ng krudo.

Kaugnay nito, positibo ang pananaw ng tsuper sa hakbang ng pamahalaan na magbigay ng emergency power sa pangulo upang mapigilan o mabawasan ang pagtaas ng presyo ng langis. Gayunpaman, iginiit niya na hindi sapat ang 5,000 pisong fuel subsidy na ibinibigay sa mga tsuper, lalo na’t patuloy ding tumataas ang presyo ng mga bilihin.

Nanawagan ang tsuper sa pamahalaan na bigyang prayoridad ang pagkontrol sa presyo ng langis. Humihingi rin siya ng pang-unawa mula sa mga pasahero kaugnay ng panawagan para sa taas-pasahe, dahil sa patuloy na pagtaas ng kanilang gastusin sa pamamasada.

Advertisement