Bumili si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng halos 12 toneladang produktong agrikultural mula sa dalawang vegetable trading posts sa Benguet upang tulungan ang mga magsasakang apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr, personal na binili ng Pangulo, sa pamamagitan ng Office of the President, ang iba’t ibang gulay sa La Trinidad Vegetable Trading Post at Benguet Agri-Pinoy Trading Center (BAPTC).
“Sa ngayon, si Pangulo mismo ay namili ng mga agri goods mula dito. Seven na bus nga ang pinaglagyan,” ani Laurel.
Ipapadala ang mga produktong ito sa mga komunidad na nangangailangan sa Navotas, Caloocan, Malabon, Manila, Pasay, at Quezon City, pati na rin sa ilang government institutions tulad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Department of Social Welfare and Development (DSWD) Walang Gutom Centers, at ilang orphanages.
Ayon sa Department of Agriculture, nakibahagi rin ang Food Terminal Inc. (FTI) sa pagbili ng mga produktong agrikultural upang suportahan ang inisyatiba at makatulong sa pagpapatatag ng presyo ng pagkain.
Ang FTI ay nagsisilbing food processing at distribution hub na layong direktang iugnay ang mga magsasaka sa mga konsumer, habang pinatatatag ang supply chain at presyo ng mga pangunahing bilihin.














