Ikinagalit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang sumbong ng isang 11-anyos na batang babae hinggil sa umano’y panggagahasa sa kanyang kapatid ng anak ng isang barangay opisyal sa Camarines Sur, at agad na nag-utos ng proteksyon at imbestigasyon upang papanagutin ang mga sangkot.
Labis ang naging reaksyon ng Pangulo matapos idulog ng bata ang sinapit ng kanyang kapatid, na ayon sa ulat ay ilang ulit na ginahasa noong Nobyembre 2022 at Pebrero 2023 ng anak ng isang barangay kagawad sa bayan ng Tinambac.
Ayon pa sa salaysay, dinala umano ang biktima sa Montalban nang mabatid na ito ay nabuntis, kung saan isinagawa ang pagpapalaglag at muli umanong inabuso ang bata. Dahil sa trauma, natakot na rin itong pumasok sa paaralan.
Sa kasalukuyan, kinukupkop ang nagreklamong bata ng Redeemer Homeless Mission.
Bilang tugon, tiniyak ni Pangulong Marcos na magpapadala ng kapulisan upang mabigyan ng sapat na proteksyon ang mga bata at masiguro ang kanilang kaligtasan at pag-aaral. Pinuri rin niya ang katapangan ng batang nagsumbong at nangakong papanagutin ang lahat ng may kinalaman sa krimen.














