Tinalakay ni President Ferdinand Marcos Jr. sa 33rd APEC Economic Leaders’ Meeting ang lumalalang problema ng illegal, unreported, at unregulated fishing, at iginiit ang pangangailangang magkaroon ng konkretong hakbang upang matugunan ito.

Bukod dito, isinusulong din ng Pangulo ang digital transformation ng micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa pamamagitan ng paggamit ng artificial intelligence (AI), gayundin ang pagpapaunlad ng sustainable blue economy.

Binigyang-diin din ni Marcos ang kahalagahan ng multilateral trading system, na kabilang sa mga pangunahing isinusulong ng Pilipinas sa panahon ng pamumuno nito sa ASEAN.

Ayon sa Pangulo, magiging sentro rin ng pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN ang Digital Economy Framework Agreement.

Advertisement

Nauna nang iginiit ni Marcos na dapat magbunga ng mga konkretong benepisyo para sa mamamayan ang mga talakayan sa APEC, kabilang ang paglikha ng mas maraming trabaho, mas madaling pag-access sa serbisyong pangkalusugan, at paghahanda sa mga pagbabagong dulot ng lumalaking populasyon at ekonomiya.

Advertisement