Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga Pilipino na pairalin ang tapang, pagkakaisa, at pagmamahal sa bayan sa gitna ng patuloy na nagbabagong hamon, kasabay ng paggunita sa Araw ng Kagitingan.
Sa kanyang mensahe, iginiit ng Pangulo na ang lakas ng bansa ay hindi lamang nasusukat sa tagumpay kundi sa kakayahan ng mamamayan na magkaisa at tumindig sa panahon ng pagsubok. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng malasakit, pagtutulungan, at paninindigan sa tama bilang susi sa pag-unlad ng bansa.
Inalala rin ni Marcos ang kabayanihan ng mga sundalong Pilipino na lumaban para sa kalayaan sa Bataan at Corregidor, na patuloy umanong nagbibigay-inspirasyon sa kasalukuyang henerasyon.
Hinimok ng Pangulo ang publiko na isabuhay ang diwa ng kagitingan upang makamit ang layunin ng isang mas maunlad na “Bagong Pilipinas.”













