Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng restraint at de-escalation sa gitna ng nagpapatuloy na labanan sa Middle East at iba pang bahagi ng mundo sa kanyang talumpati sa United Nations General Assembly.

Sa kanyang pahayag, iginiit ng Pangulo ang kahalagahan ng pagtigil sa mga labanan at paggalang sa international law, kabilang ang United Nations Charter at humanitarian law.

Hinimok din niya ang lahat ng panig na bumalik sa negosasyon upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan.

Ayon kay Marcos, matagal nang nakikiisa ang Pilipinas sa pagpapanatili ng pandaigdigang kapayapaan at seguridad.

Advertisement

Bilang halimbawa, binanggit ng Pangulo na isa ang Pilipinas sa mga unang tumugon sa panawagan ng United Nations para sa tulong noong Korean War bilang pagpapakita ng matibay na paninindigan ng bansa sa pagtataguyod ng kapayapaan.

Umapela rin ang Pangulo sa international community na pairalin ang diplomasya, bawasan ang tensyon, at igalang ang pandaigdigang batas upang matigil ang mga armadong sigalot sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Binigyang-diin pa niya na nahaharap ang mundo sa matitinding hamon tulad ng mga digmaan, humanitarian crises, at epekto ng climate change kaya mahalaga ang kooperasyon ng mga bansa upang mapanatili ang katatagan sa pandaigdigang komunidad.

Dagdag pa ni Marcos na mahigit 15,000 Filipino troops na ang naipadala ng Pilipinas sa mga peacekeeping mission ng United Nations sa iba’t ibang panig ng mundo bilang bahagi ng ambag nito sa pagpapanatili ng kapayapaan.

Advertisement