Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na maghanap ng pinakamainam na hakbang para sa rehiyon sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.
Sa pagbubukas ng 48th ASEAN Summit and Related Meetings, sinabi ni Pangulong Marcos na nagtitipon ang mga lider sa panahon ng matinding hamon dulot ng epekto ng sigalot sa Middle East sa kabuhayan at pamumuhay ng mga mamamayan sa rehiyon.
Ayon sa Pangulo, ang lalong umiigting na sitwasyon sa Middle East ay nagdudulot ng kawalang-katiyakan na nakaaapekto sa lifestyle, kabuhayan, at buhay ng mga tao sa ASEAN.
Dagdag pa niya, napilitan ang bawat bansa sa rehiyon na gumawa ng mga pagbabago sa kanilang mga polisiya at pamamaraan upang makaangkop sa kasalukuyang sitwasyon.
Binigyang-diin din ni Marcos na mahalagang magkaisa ang ASEAN upang mapag-aralan ang mga pagbabagong ito at makahanap ng pinakamahusay na hakbang para sa kinabukasan ng rehiyon.
Aniya, umaasa ang mga mamamayan ng ASEAN sa kanilang mga lider hindi lamang para sa katatagan kundi para rin sa katiyakan at pag-asa sa gitna ng mga hamon.
Dumalo sa summit ang lahat ng lider ng mga bansang kasapi ng ASEAN, maliban sa Myanmar na kinatawan lamang ng permanent secretary ng foreign ministry nito.














