Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palalakihin pa ang pondo para sa mga local government units (LGUs) sa mga susunod na budget cycle, depende sa magiging resulta ng pagpapatupad ng kanilang mga programa.

Inihayag ito ng Pangulo sa kanyang pagbisita sa Batangas City, kung saan pinangunahan niya ang pamamahagi ng bigas sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF), gayundin ang turnover ng Socio-Civic Projects Fund (SCPF) assistance sa mga opisyal ng Association of Barangay Captains (ABC), at ang orientation para sa Presidential Scholars.

Sa kanyang talumpati, hinikayat ni Marcos ang mga lokal na opisyal na mas pagbutihin ang implementasyon ng mga proyekto ng pamahalaan upang magkaroon ng mas malaking alokasyon sa hinaharap.

“Pagbutihan ninyo itong ginagawa nating mga programang ito. Pag maganda ang maging resulta nito, asahan ninyo sa susunod na budget, lalakihan pa namin ang pondo para dito,” pahayag ng Pangulo.

Advertisement

Ayon sa Palasyo, naging mabilis ang pagpapatupad ng mga programa sa tulong ng koordinasyon ng pamahalaang panlalawigan ng Batangas at ng national government, partikular sa paggamit ng LGSF bilang mekanismo para sa mas mabilis at direktang paghahatid ng tulong sa mga mamamayan.

Layunin ng LGSF na palakasin ang kapasidad ng mga LGU upang mas maging epektibo at agarang naipatutupad ang mga serbisyo at proyekto para sa publiko.

Advertisement