Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mas mahigpit na pagbabantay sa procurement at hiring sa Department of Education (DepEd) upang matiyak ang mabilis na paggamit ng pondo at maiwasan ang pagkaantala ng mga proyekto.
Ayon kay Finance Sec. Ralph Recto, kinakailangang tutukan ang bawat yugto ng proseso—mula sa paglalabas ng pondo hanggang sa implementasyon—at obligahin ang mga ahensya na magsumite ng regular na ulat sa progreso.
Binigyang-diin ni Recto na kailangan ng agarang aksyon upang makahabol sa mga target ng pamahalaan. Aniya, hindi dapat nasasayang ang malaking pondong inilaan sa edukasyon dahil lamang sa mabagal na procurement.
Iginiit din niya na ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng mga silid-aralan, guro, at learning materials ay dapat maiproseso nang walang pagkaantala.
Sa ilalim ng 2026 national budget, aabot sa ₱1.345 trilyon ang inilaan para sa sektor ng edukasyon, kabilang ang pondo para sa mga aklat, instructional materials, at mahigit 121,000 laptops para sa mga guro at mag-aaral.
Dagdag pa ni Recto, mahalagang maipamahagi ang mga pondong ito sa loob ng parehong school year upang agad na mapakinabangan ng mga estudyante.
Upang mapabilis ang konstruksyon ng mga silid-aralan, nakikipagtulungan na rin ang pamahalaan sa mga lokal na pamahalaan sa halip na iasa lamang sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Samantala, tiniyak din ng opisyal na hindi dapat maantala ang pagkuha ng mga guro, kasabay ng patuloy na pagpapalawak ng pasilidad sa tertiary education para sa mahigit 1.28 milyong estudyante sa mga state universities.














