Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gagamitin ng Pilipinas ang dalawang-linggong tigil-putukan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran upang masiguro ang mas mataas at maayos na suplay ng langis sa bansa, habang inaasahan din ang posibleng pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay Pangulong Marcos, umaasa siya na maipalawig ang ceasefire kung magtatagumpay ang mga negosasyon sa Gitnang Silangan. “We have the two weeks, we will take as much advantage of it as we possibly can by assuring the supply of petroleum products in the Philippines,” ani Marcos, na nagpaliwanag rin na ang sitwasyon ay nakabatay sa simpleng prinsipyo ng demand at supply.
Binanggit din ng Pangulo na kung saklaw ng ceasefire ang muling pagbubukas ng Strait of Hormuz, libo-libong Pilipinong seafarer ang makakabalik sa operasyon, at mas mapapabilis ang pagpasok ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Pinuri rin ng Malakanyang ang ceasefire bilang positibong senyales na maaaring maging daan sa permanenteng pagtatapos ng digmaan sa rehiyon. Ayon kay Presidential Communications Office Secretary Dave Gomez, nasa “healthy buffer” pa rin ang oil supply ng Pilipinas, nasa 50–51 days, na magbibigay ng sapat na oras para planuhin ang pagpasok ng langis mula sa rehiyon.
Sa pandaigdigang konteksto, inihayag ni Donald J. Trump ang dalawang-linggong tigil-putukan kasunod ng diplomatikong pag-uusap kasama ang mga lider ng Pakistan, habang inaasahan ang muling pagbubukas ng Strait of Hormuz at pagtatapos ng tensyon sa rehiyon. Patuloy na minamatyagan ng international community ang sitwasyon dahil sa malaking epekto nito sa seguridad at ekonomiya ng buong mundo.














