Naghahanda na ang pamahalaan sa posibleng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dulot ng umiigting na tensyon at labanan sa Gitnang Silangan, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sinabi ni Pangulong Marcos na pinag-aaralan na ng gobyerno ang mga hakbang upang mabawasan ang magiging epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo sa mga pamilyang Pilipino.

Ayon sa Pangulo, nararanasan ngayon ng Pilipinas at ng iba pang bansa sa mundo ang epekto ng kaguluhan sa Gitnang Silangan, partikular sa pagtaas ng presyo ng langis.

Isa sa mga dahilan nito ay ang pagkaantala sa daloy ng mga barkong may kargang langis sa Strait of Hormuz, na isa sa pinakamahalagang daanan ng langis sa buong mundo.

Advertisement

Dahil dito, posibleng tumaas ang presyo ng petrolyo sa susunod na linggo kung saan tinatayang madaragdagan ang presyo ng gasolina ng P7.48 kada litro, diesel ng P17.28, at kerosene ng P32.35.

Bilang tugon, nakikipag-ugnayan ang Malacañang sa Kongreso ng Pilipinas upang mabigyan si Pangulong Marcos ng kapangyarihang pansamantalang bawasan ang excise tax sa petrolyo sakaling umabot sa US$80 kada bariles ang presyo ng langis sa world market.

Plano rin ng pamahalaan na amyendahan ang Biofuels Act of 2006 upang magamit ang mas murang bioethanol.

Samantala, tiniyak ng Pangulo na maglalaan ang gobyerno ng fuel subsidy at cash transfer para sa mga sektor na maaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis.

Patuloy ding mino-monitor ng pamahalaan ang presyo ng mga pangunahing bilihin upang maiwasan ang hoarding at profiteering.

Kasabay nito, tumutulong ang Department of Foreign Affairs, Department of Migrant Workers, at Overseas Workers Welfare Administration sa mga Pilipinong nasa Gitnang Silangan, kabilang ang repatriation para sa mga nais umuwi ng bansa.

Iginiit ni Pangulong Marcos na bagaman hindi kontrolado ng Pilipinas ang digmaan, gagawin ng pamahalaan ang lahat upang maprotektahan ang kapakanan ng mga Pilipino.

Advertisement