Bumisita si Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa Benguet Agri-Pinoy Trading Center (BAPTC) sa La Trinidad, Benguet upang inspeksyunin ang mga farm inputs at kagamitan na ipapamahagi sa mga farmer cooperatives at associations.
Sa kanyang pagbisita, sinabi ng Pangulo na patuloy ang mga inisyatiba ng pamahalaan upang mapalakas ang sektor ng agrikultura, kasabay ng pakikipag-ugnayan sa mga vendor at magsasaka upang makuha ang kanilang mga mungkahi para sa mas epektibong implementasyon ng mga programa.
“Patuloy naman ang ating mga initiative kung mayroon pa… Mabuti at nakausap ko ‘yung mga iba na nagtitinda rito para ‘yung kanilang mga suggestion kung ano sa palagay nila ang kailangan pang gawin,” ani Marcos sa mga mamamahayag.
Ininspeksyon din ng Pangulo ang Spot Trading Building 2 (Wholesale Area), kung saan isinasagawa ang post-harvest activities, at nakipag-ugnayan siya sa mga magsasaka at stakeholders ng highland vegetable industry sa Cordillera.
Ayon sa Palasyo, layunin ng pagbisita na palakasin ang agricultural value chain sa pamamagitan ng mas mahusay na market efficiency, price stability, at supply distribution.
Tiniyak din ng administrasyon na patuloy nitong mino-monitor ang sitwasyon ng sektor ng agrikultura, lalo na sa gitna ng epekto ng krisis sa Middle East sa presyo at suplay ng mga pangunahing bilihin.














