NAGA CITY – Pahirapan ngayon ang pagresponde ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard-Camarines Sur dahil sa lakas ng alon dala ng Bagyong Bising.
Dahil dito, pansamantala munang itinigil ang pagresponde sa mga pinapalikas na mga residente na nasa high risk area.
Una rito ilang mga bayan na sa probinsya ng Camarines sur ang nagsagawa na ng force evacuation, dahil sa nararanasang storm surge sa nasabing lalawigan.
Kaugnay nito sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Lt. Ailene Abanilla, station Commander ng PCG-CamSur, sinabi nito na pakikiramdaman pa umano nila ang kalagayan ng panahon kung kakayanin pa na magresponde at saka lamang ipagpapatuloy ang kanilang operasyon para sa mga ililikas na residente.
Ayon kay Abanilla, katulad na lamang ng pagtiyak sa kaligtasan ng mga residente ay binibigyang halaga rin umano nila ang kaligtasan ng mga rescuers.
Sa ngayon, naka full-alert pa rin ang istasyon para sa magiging epekto ni Bagyong Bising.