Sinuspinde ng Philippine College of Physicians (PCP) si Dr. Anthony “Tony” Leachon sa loob ng anim na buwan matapos siyang mapatunayang lumabag sa ethical standards ng organisasyon dahil sa umano’y mga mapanirang pahayag laban sa kapwa doktor.
Batay sa 26-pahinang desisyon ng 13-member Board of Regents ng PCP, napatunayan na lumabag si Leachon sa Code of Ethics ng organisasyon kaugnay ng kanyang mga pampublikong pahayag laban sa ilang kasamahan sa propesyon.
Ayon sa ruling, gumawa umano si Leachon ng mga alegasyon ng korapsyon laban sa ilang doktor nang walang sapat na personal na kaalaman o matibay na ebidensya upang suportahan ang kanyang mga paratang.
“Respondent engaged in defamatory allegations and insinuations… without any personal knowledge or sufficient evidence,” ayon sa desisyon ng PCP.
Dahil dito, sinabi ng organisasyon na kinakailangang managot si Leachon sa paglabag sa kanyang sinumpaang tungkulin bilang miyembro ng PCP at sa mga pamantayang etikal na inaasahan sa mga manggagamot.
Gayunman, nilinaw ng PCP na hindi napatunayan ang iba pang alegasyon laban kay Leachon, kabilang ang umano’y misrepresentation bilang expert witness at ang pagpapakalat ng maling impormasyon kaugnay ng kontrobersiya sa Dengvaxia.
Sa huli, tanging ang mga reklamong may kinalaman sa defamation at paglabag sa ethical standards ang napatunayang may sapat na batayan, na siyang naging dahilan ng kanyang anim na buwang suspensyon.
Samantala, sa isang Facebook post, sinabi ni Leachon na hindi siya sang-ayon sa naging desisyon ng PCP. Ayon sa kanya, kasalukuyan nang sinusuri ng kanyang mga abogado ang ruling at pinag-aaralan ang mga susunod na hakbang na maaari nilang gawin kaugnay ng kaso.














