NAGA CITY- Pinabulaanan ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang paratang na PDEA Asset ang umano’y nangikil ng pera sa kasamahan ng suspek na nahulihan ng P6.8M halaga ng shabu sa Barangay Triangulo, Naga City.
Una rito, pasado alas 7:20 kagabi nang mahuli ang suspek na si Salic Magoraon sa isang buy bust operation habang nakumpiska rito ang halos isang kilo ng pinaniniwalaang shabu na nasundan ng isang pang operasyon kung kaya umabot sa kabuuang P13.6M ang kabuaang halaga ng shabu na nakumpiska kan PDEA.
Ngunit sa ibang anggulo ng bareta, bago pa man ang naturang operasyon, hinarang umano ng ilang armadong kalalakihan na pinaniniwalaang mga tauhan ng PDEA ang sasakyan ni Salic at ng kasamahan nitong si Allanoding Tamora pagdating sa Barangay San Felipe sa parehong lungsod.
Dinala umano si Tamora sa isang mall sa may Barangay Triangulo at pinagwidthdraw ng nasa P900,000 ngunit nagtaka ang staff ng bangko kung bakit ganoon kalaki ang kukunin ng biktima.
Doon na umano nagsumbong si Tamora na kinikilan siya ng PDEA Asset.
Kaugnay nito agad na humingi ng tulong sa kapulisan ang bangko na naging daan sa pagkakahuli sa pinaniniwalaang PDEA Asset na si Ricelyn Yebra na naghihintay kay Tamora sa labas ng mall.
Sa ngayon nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad.
Samantala, bagama’t pinabulaanan ng PDEA na tauhan nila ang naturang suspek ngunit hinamon parin ni King Lucero, Provincial Officer ng PDEA CamSur si Tamora na magsampa ng kaukulang kaso.