Itinanggi ng Philippine Army ngayong Huwebes, Abril 23, ang mga ulat na may mga sibilyang nasawi sa engkuwentro sa Toboso, Negros Occidental, na nagresulta sa pagkamatay ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA).
Ayon kay Philippine Army spokesperson Colonel Louie Dema-ala, kinukuwestiyon nila ang presensya ng mga tinutukoy na journalist, social worker, faculty member, at spokesperson ng progresibong grupo sa encounter site, na umano’y may dalang armas at nakipagbarilan sa mga sundalo.
Giit niya, kumilos nang propesyonal ang mga tropa ng 79th Infantry Battalion at sumunod sa International Humanitarian Law at paggalang sa karapatang pantao. Dagdag pa niya, tumugon lamang ang Armed Forces of the Philippines sa panawagan ng komunidad para sa proteksyon.
Noong Lunes, iniulat ng Philippine Army na 19 umano’y miyembro ng NPA ang napatay sa serye ng engkuwentro sa Barangay Salamanca. Gayunman, mariing pinabulaanan ito ng NPA Apolinario Gatmaitan Command, at iginiit na ilan sa mga nasawi ay mga sibilyan at tagamasid lamang ng aktibidad ng mga magsasaka.
Ayon sa rebel group, kabilang sa mga nasawi ang mga lokal at foreign journalists, human rights advocates, at mga magsasaka. Ibinanggit din nila ang pangalan ng ilang umano’y biktima, kabilang si farmer Roel Sabillo at Bacolod-based journalist RJ Ledesma.
Samantala, kinumpirma ng UP Diliman University Student Council na kabilang din umano sa mga nasawi si student leader Alyssa Alano.
Patuloy na pinag-uusapan ang magkakaibang bersyon ng pangyayari habang hinihintay ang mas malalim na imbestigasyon sa insidente.














