Nagsagawa ang militar ng Pilipinas, Estados Unidos, at Australia ng apat na araw na joint maritime exercise sa West Philippine Sea mula Abril 9 hanggang 12, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Colonel Xerxes Trinidad, ang Multilateral Maritime Cooperative Activity (MMCA) ay ikalawang joint exercise na isinagawa ngayong taon ng tatlong bansa at ika-16 na kabuuang aktibidad sa ilalim ng naturang kooperasyon.
Nag-deploy ang Armed Forces of the Philippines ng mga yunit mula sa Philippine Navy, Philippine Air Force, at Philippine Coast Guard, kabilang ang BRP Rajah Sulayman, FA-50 fighter jets, A-29B Super Tucano, C-208B aircraft, Sokol search-and-rescue helicopter, at BRP Melchora Aquino.
Mula sa Australia, lumahok ang HMAS Toowoomba, kasama ang MH-60R helicopter at P-8A Poseidon aircraft. Ang Estados Unidos naman ay nagpadala ng USS Ashland.
Sa naturang drills, isinagawa ang iba’t ibang maritime operations tulad ng replenishment-at-sea approaches, rendezvous procedures, communications exercises, maritime domain awareness activities, tactical maneuvering, flyby drills, photo exercises, night operations, at FINEX declaration.
Kasama rin sa aktibidad ang transport ng mga kagamitan ng Naval Combat Engineering Brigade mula Manila Bay patungong Puerto Princesa, Palawan sakay ng USS Ashland, bilang bahagi ng logistics interoperability ng AFP at US Indo-Pacific Command.
Ayon sa AFP, layunin ng exercise na palakasin ang maritime security cooperation at interoperability ng mga allied forces upang maprotektahan ang pambansang interes at mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa Indo-Pacific region.
Muling iginiit ng militar ang kanilang pangako sa pagpapalakas ng ugnayan sa mga kaalyadong bansa sa gitna ng patuloy na tensyon sa rehiyon.














