Photo©Web

NAGA CITY – Nilinaw ng Resident Volcanologist Mula sa Phivolcs Bicol na ang nangyaring pagyanig sa lalawigan ng Camarines Norte ay walang kaugnayan at malayo sa nangyaring pagyanig sa bansang Myanmar kamakailan lamang.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Paul Alanis, Phivolcs Resident Volcanologist, sinabi nito na magkaiba naman ang fault line dito sa Pilipinas kumpara sa Myanmar at halos isang libong kilometro ang layo nito.

Dagdag pa ni Alanis, wala rin itong koneksiyon sa binabantayan at pinaghahandaan ngayon ng bansa na malakas na lindol o ang ‘The Big One’ na pwedeng tumama sa metro manila dahil magkaiba rin aniya ang fault line nito.

Maaalala, niyanig ng 3.7 magnitude na lindol ang ilang bahagi ng Camarines Norte kahapon.

Ang naunang pagyanig ay nasundan pa at naramdaman sa ilang bahagi pa rin ng nasabing lalawigan.

Kaugnay nito, nilinaw rin ni Alanis na ang unang naibalita na 4.4 magnitude na linog ay overdetermined at base sa kanilang datos ay 3.7 lamang ito.

Samantala, kahapon kinansela ang pasok ng ilang paaralan dahil sa pagyanig ngunit wala namang naitalang danyos dahil sa insidente.

Sa ngayon paalala na lamang ni Alanis na kung magkakaroon man ng lindol ay gawin na lamang ang ‘duck, cover, and hold’ at dumalo sa mga isinasagawang earthquake drills upang malaman kung ano ang mga dapat gawin sa oras ng mga ganitong sitwasyon.