NAGA CITY- Patay ang isang miyembro ng Special Action Force of the Philippine National Police matapos barilin ng kabaro nito sa bayan ng Sipocot, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCPT. Liza Jane Alteza, Spokesperson ng CSPPO, sinabi nito na nag-ugat ang insidente sa hindi pagkakaintindihan at pagkapikunan sa pagitan ng biktima at suspek.
Ayon sa imbestigasyon, pinagsabiha umano ng suspek ang biktima na maglaba na lamang sa labas at huwag na sa banyo dahil marami aniya ang mga gumagamit.
Ayon kay Alteza, napikon ang biktima kung kaya’t sinuntok nito ang suspek na naging rason naman upang kunin ng suspek ang kanyang service firearm at binaril ang biktima sa ulo na naging rason sa agaran nitong kamatayan.
Dagdag pa ng opisyal, simpleng hindi pagkakaintindihan lamang ang pinagmulan ng lahat ngunit humantong sa madugong krimen.
Kaugnay nito, matapos naman ang insidente, kaagad na naaresto ang suspek at dinala sa Sipocot Municipal Police Station at mahaharap sa kasong kriminal at administratibo.
Sa ngayon, nagpa-alala na lamang ang opisyal sa publiko lalo’t higit sa mga kapulisan na habaan ang kanilang pasensya at pag- usapan na lamang ng maayos ang lahat upang hindi mauwi sa nakakalugkot na pangyayari.