Nakatuon ang Pili National High School sa pagkukumpuni at pagsasaayos ng mga silid-aralan bilang pangunahing prayoridad sa pagpapatuloy ng Brigada Eskwela 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga, sinabi ni Reynaldo Lopez, Principal ng Pili National High School na mahalagang matiyak na ligtas, maayos, at handa ang mga pasilidad bago ang pagbubukas ng klase upang mabigyan ng komportableng kapaligiran ang mga mag-aaral.
Ayon kay Lopez, kabilang sa mga isinasagawang gawain ang pagkukumpuni ng mga sirang bubong, bintana, at pintuan, gayundin ang pagpipintura at paglilinis ng mga silid-aralan at iba pang pasilidad ng paaralan.
Nagpasalamat din ang pamunuan ng paaralan sa mga magulang, guro, alumni, lokal na pamahalaan, at mga boluntaryong patuloy na nagbibigay ng oras, materyales, at suporta para sa matagumpay na pagsasagawa ng Brigada Eskwela.
Aniya, ang pagtutulungan ng komunidad ay mahalaga upang matiyak na magiging handa ang paaralan sa pagdating ng mga mag-aaral sa pagbubukas ng School Year 2026–2027.
Patuloy namang hinihikayat ng paaralan ang iba pang stakeholders na makibahagi sa programa upang mas mapabilis ang pagsasaayos ng mga pasilidad at matugunan ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral at guro.














