Hiniling ng Pilipinas sa Myanmar na pahintulutan si Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro na magkaroon ng “brief access” kay dating lider Aung San Suu Kyi matapos ang ulat na siya ay inilipat sa house arrest.

Sa isang pahayag, sinabi ng Department of Foreign Affairs na layunin ng hakbang na mabigyan si Secretary Ma. Theresa Lazaro, bilang special envoy ng Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), ng pagkakataong makipag-ugnayan sa iba’t ibang stakeholder upang isulong ang inklusibong dayalogo sa Myanmar.

Malugod ding tinanggap ng Department of Foreign Affairs ang ulat na si Aung San Suu Kyi, 80 anyos, ay inilipat sa house arrest at bahagyang nabawasan ang sentensiya, kasabay ng malawakang amnestiya sa mahigit 1,500 political prisoners sa okasyon ng Full Moon Day of Kason.

Ayon sa DFA, ang mga hakbang na ito ay mahalagang bahagi ng confidence-building measures na kinakailangan para sa pangmatagalang katatagan ng Myanmar.

Advertisement

Nanawagan din ang ahensya sa Myanmar na bigyan ng mas malinaw na impormasyon ang publiko hinggil sa kalagayan ni Suu Kyi, kabilang ang pagbibigay-daan upang makausap niya ang kanyang pamilya, bilang patunay ng tunay na pagsisikap para sa national reconciliation.

Matatandaang si Aung San Suu Kyi ay ikinulong ng military junta matapos ang kudeta noong 2021, at nananatiling hindi malinaw ang kanyang eksaktong kalagayan sa gitna ng nagpapatuloy na civil war sa bansa.

Giit pa ng Department of Foreign Affairs, ang mga kasalukuyang developments ay maaaring magbigay ng momentum upang ipatupad ang ASEAN Five-Point Consensus, na nananawagan ng agarang pagtigil ng karahasan at makabuluhang dayalogo sa Myanmar.

Advertisement