Nanawagan ang Pilipinas ng mas malawak na suporta sa job creation, flexible financing, at climate resilience sa gitna ng lumalalang geopolitical tensions at climate risks, ayon kay Finance Secretary Frederick Go.

Sa G-24 Ministers’ and Governors’ Meeting, binigyang-diin ni Go na lumiliit ang fiscal space ng maraming developing economies, kaya nahihirapan ang mga ito na tugunan ang magkakasabay na krisis.

Ayon sa kalihim, kinakailangan ang “scaled-up and more flexible financing,” kabilang ang budget support at emergency funding mechanisms, upang matulungan ang mga bansa na makasabay sa external shocks habang napapanatili ang mga serbisyong pampubliko.

Itinulak din niya ang mas aktibong partisipasyon ng pribadong sektor sa pamumuhunan, partikular sa imprastraktura, energy transition, at digital services na itinuturing na mahalaga sa paglikha ng trabaho at paglago ng ekonomiya.

Advertisement

Binigyang-diin din ni Go ang kahalagahan ng human capital development upang matiyak na ang mga repormang pang-ekonomiya ay magreresulta sa dekalidad na trabaho at mas maayos na kabuhayan.

Kasabay nito, nanawagan din siya ng mas malawak na access sa climate financing at technical assistance, lalo na para sa mga bansang tulad ng Pilipinas na lantad sa malalakas na bagyo at iba pang kalamidad.

Ang Intergovernmental Group of Twenty-Four (G-24) ay binubuo ng mga umuunlad na bansa na nagtutulungan upang talakayin ang mga isyung may kinalaman sa pandaigdigang pananalapi at kaunlaran.

Advertisement