Naniniwala si Prof. Emmanuel Leyco na nasa “state of economic emergency” na ang Pilipinas at dapat nang agarang suspindihin ang fuel excise taxes upang maibsan ang pasanin ng publiko.

Ayon kay Prof. Emmanuel Leyco, hindi na dapat hintayin ang umiiral na kondisyon na kailangang umabot sa $80 per barrel ang presyo ng langis sa loob ng 30 araw bago kumilos ang pamahalaan

Iminungkahi rin niya ang pagpapatupad ng wealth tax para sa pinakamayayamang indibidwal bilang alternatibong mapagkukunan ng kita ng gobyerno. Aniya, maaaring hindi gaanong maramdaman ng mga bilyonaryo ang ganitong buwis, at maaari pa itong taasan para sa mga multi-bilyonaryo.

Samantala, nagbabala ang Department of Finance na posibleng umabot sa ₱136 bilyon ang mawawalang kita ng gobyerno sa 2026 kung ipatutupad ang pagtanggal sa fuel excise tax.

Advertisement

Binigyang-diin ni Leyco na ramdam na ng publiko ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis, na nagdulot ng dagdag na ₱10 hanggang ₱40 sa presyo ng mga produktong petrolyo. Aniya, may ilang driver na nawawalan ng hanggang ₱300 kita kada araw.

Dagdag pa niya, kahit ₱5 hanggang ₱10 na bawas sa presyo ng gasolina mula sa tax suspension ay malaking ginhawa na para sa mga konsyumer. Gayunman, iginiit niya na mabagal ang implementasyon ng subsidies at nahihirapan ang gobyerno sa mabilisang pamamahagi ng tulong.

Sa huli, binigyang-diin ni Prof. Emmanuel Leyco na kinakailangan ang mas malawak at epektibong hakbang ng pamahalaan upang matugunan ang kasalukuyang krisis pang-ekonomiya.

Advertisement