Iginiit ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mananatiling matatag ang ugnayang diplomatiko ng Pilipinas sa Iran sa kabila ng mga pagbabago sa liderato nito, kasunod ng pagkamatay ng Supreme Leader na si Ali Khamenei.
Ayon kay DFA Secretary Ma. Theresa Lazaro, hindi muling sinusuri ng pamahalaan ang relasyon nito sa Tehran, at sa halip ay nakatuon sa kaligtasan ng tinatayang 800 Pilipinong naninirahan sa nasabing bansa.
Binigyang-diin ni Lazaro na mahalaga ang pagpapanatili ng diplomatic relations upang matiyak ang agarang access at tulong sa mga Pilipino sa Iran.
“Nandoon pa rin ang diplomatic relations, simply because may mga kababayan tayo roon na iniintindi at binabantayan,” ani Lazaro. “Kailangan nating magkaroon ng access sa kanila.”
Nanatili ring bukas ang embahada ng Pilipinas sa Tehran upang magbigay-proteksyon at serbisyo sa mga Pilipino, kahit pa walang diplomatic relations ang Estados Unidos at Israel sa Iran.
Samantala, sinabi ng DFA chief na wala pang pormal na pagkilala ang Pilipinas kay Mojtaba Khamenei bilang bagong Supreme Leader ng Iran.
“Wala pa kaming ibinibigay na outright recognition. Status quo muna tayo,” ani Lazaro, sabay dagdag na isasaalang-alang ito sa “appropriate time” kapag humupa na ang sitwasyon.
Ayon pa sa kalihim, pangunahing konsiderasyon ng pamahalaan ang seguridad ng mga Pilipino bago ang anumang political na hakbang kaugnay ng Iran.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Lazaro na hindi ipinaalam sa Pilipinas ang isinagawang pag-atake ng Estados Unidos sa Tehran na nagresulta sa pagkamatay ng dating lider.
“Hindi natin alam. Sovereign right ng mga bansa ang kanilang mga aksyon,” aniya.
Dagdag pa niya, wala rin siyang impormasyon kung humiling ang Pentagon na gamitin ang mga Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa Pilipinas kaugnay ng nasabing operasyon.













