Tiwala ang special envoy ng Japan na si Kishida Fumio na kabilang ang Pilipinas sa mga unang makikinabang sa $10 bilyong energy support initiative ng Japan para sa Asia, sa gitna ng tumitinding krisis sa suplay ng langis.

Sa kanyang pagbisita sa bansa, iniabot ni Kishida ang liham mula kay Japanese Prime Minister Takaichi Sanae kay Ferdinand Marcos Jr., na nagpapahayag ng layuning palakasin ang kooperasyon sa energy resiliency sa ilalim ng Partnership on Wide Energy and Resources Resilience Asia (POWERR Asia).

Ayon kay Kishida, inaasahang isa ang Pilipinas sa mga unang tatanggap ng tulong mula sa programa na layong patatagin ang suplay ng enerhiya sa rehiyon sa gitna ng mga global disruption sa merkado ng langis.

Tinalakay din sa pulong ang pagpapalalim ng ugnayan sa liquefied natural gas (LNG) at nuclear energy, pati na ang pagpapalawak ng mga proyekto sa ilalim ng Asia Zero Emission Community (AZEC), kung saan mahigit 30 proyekto na ang umuusad sa bansa.

Advertisement

Binigyang-diin ng pamahalaan ng Pilipinas na mahalaga ang mas pinalakas na partnership sa Japan upang matiyak ang energy security, lalo na sa harap ng patuloy na tensyon sa Middle East at pabago-bagong kondisyon ng pandaigdigang suplay ng enerhiya.

Advertisement