Ipinahayag ng Pilipinas ang suporta nito sa international efforts upang mapanatili ang global food security at supply chains kasunod ng pagpupulong ng mga opisyal ng bansa at mga envoy mula sa Gulf Cooperation Council (GCC) states sa Italy.

Sa isang kalatas, sinabi ni Philippine Ambassador to Italy Neil Imperial, na siya ring Permanent Representative ng bansa sa Food and Agriculture Organization (FAO), na mahalaga ang kooperasyon ng mga bansa upang matugunan ang epekto ng nagpapatuloy na labanan sa Gitnang Silangan.

Nag-courtesy call ang mga diplomat mula sa United Arab Emirates, Bahrain, Saudi Arabia, at Kuwait sa Philippine Embassy noong Abril 14, kung saan tinalakay ang mga hamon sa global supply chains at food security.

Sa pulong, nagpahayag ng pagkabahala ang mga Gulf envoy sa malawakang epekto ng sigalot, na anila’y lumampas na sa rehiyon. Kabilang sa tinukoy na naapektuhan ang critical supply chains tulad ng enerhiya, fertilizers, at mahahalagang industrial gases gaya ng helium.

Advertisement

Ayon kay Imperial, ipinaabot ng Maynila ang suporta nito sa mga hakbang ng GCC states upang tugunan ang mga nasabing hamon, alinsunod sa mandato ng FAO.

Binanggit din ng embahador na patuloy na humaharap ang Pilipinas sa mga hamon sa food security, na pinalala pa ng epekto ng kaguluhan sa Gitnang Silangan, partikular sa availability ng fertilizers at patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain.

Dagdag pa niya, ang pagtaas ng presyo ng fuel ay may direktang epekto sa agricultural operational costs at sa presyo ng mga bilihin para sa mga konsyumer.

Dumalo sa nasabing pagpupulong sina UAE Ambassador Abdulla Ali Ateeq AlSubousi, Bahrain Ambassador Ausama Alabsi, Saudi Arabia Ambassador Raed bin Mohammed Al Thukair, at Kuwait Ambassador Yousef Juhail.

Advertisement