NAGA CITY- Kasabay ng pagdiriwang ng World Teachers Day ay ang patuloy na pagbibigay din ni teacher Windel Alvarez, isang guro sa ALS sa bayan ng Caramoan, Camarines Sur, ng karangalan sa Pilipinas.
Kung maaalala kasi, si Alvarez ang tanging Pinoy na nakapasok sa Top 50 Global Teacher Prize Award kung saan nagkaroon ito ng pagkakataon para para irepresent ang bayan ng Caramoan, Camarines Sur maging ang buong bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Alvarez, sinabi nitong umaasa siya na makakapasok sa Top 10 ng naturang kompetisyon sa buong mundo.
Sa kabila nito, bago pa man makuha ang naturang karangalan, marami muna aniya itong naranasang pagsubok para lamang maisakatuparan ang kaniyang ninanais na pag-abot at pagturo sa mga coastal area at barangay sa naturang bayan.
Sa ngayon, dahil sa kabayanihan ni Alvarez, nagpapatuloy ang kaniyang “Bangkarunungan Program” sa tulong, suporta at paniniwala na rin sa kaniya ng karamihan.
Samantala, mayroon na itong nagagamit na limang bangka para sa naturang programa katulong ang mga volunteer teacher.