Nakapagtala ng panibagong record ang Philippine peso matapos magsara sa P60.10 kada US dollar sa trading ngayong araw—ang pinakamahina nitong antas sa kasaysayan.

Nairehistro rin ang intraday low na P60.40 at average na P60.161, matapos magbukas sa P59.90 ang palitan.

Ayon sa mga analyst, pangunahing dahilan ng paghina ng piso ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, gayundin ang umiigting na tensyon sa Gitnang Silangan. Dagdag pa rito, lumalakas ang US dollar dahil sa paglipat ng mga investor sa tinatawag na safe-haven assets.

Sa pahayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), patuloy nitong binabantayan ang galaw ng merkado at handang magpatupad ng mga hakbang, kabilang ang posibleng intervention, upang mapanatili ang katatagan ng palitan.

Advertisement

Samantala, nagbabala si ekonomistang si Prof. Emmanuel Leyco na ang mahinang piso ay maaaring magdulot ng pagtaas ng presyo ng mga inaangkat na produkto, lalo na ang petrolyo.

Dahil dito, inaasahan ding tataas ang inflation rate kung magpapatuloy ang paghina ng piso laban sa dolyar sa mga susunod na panahon.

Advertisement