Idineklara ng transport group na Piston (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide) na matagumpay ang isinagawang dalawang araw na transport strike noong Marso 26–27, bunsod ng umano’y malawak na partisipasyon ng mga driver at operator at suporta mula sa iba’t ibang sektor.
Ayon kay Piston president Mody Floranda, naapektuhan ng welga ang ilang ruta sa iba’t ibang bahagi ng bansa, at mas marami umano ang lumahok kumpara sa mga naunang protesta.
Isinagawa ang strike sa ilalim ng grupong “No to Oil Price Hike,” na kinabibilangan ng mga tsuper ng jeepney, bus, UV Express, at transport network vehicle service (TNVS). Layunin ng kilos-protesta na ipanawagan sa pamahalaan ang agarang aksyon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na anila’y lubhang nakaaapekto sa kanilang kabuhayan.
Nagtipon ang mga kalahok sa Welcome Rotonda sa Quezon City at nagmartsa patungong Mendiola, kung saan pinayagan silang magsagawa ng programa sa loob ng dalawang oras.
Kabilang sa kanilang mga panawagan ang pagbawas o pagtanggal ng excise tax at value-added tax (VAT) sa produktong petrolyo, rollback ng presyo ng langis sa P55 kada litro, pag-alis ng oil deregulation law, umento sa pamasahe, at P1,200 family living wage. Isinusulong din ng grupo ang nasyonalisasyon ng industriya ng langis.
Ayon sa mga lider ng transport groups, magpapatuloy ang kanilang mga kilos-protesta hangga’t hindi natutugunan ng pamahalaan ang kanilang mga kahilingan.
Samantala, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno hinggil sa mga panawagan ng grupo habang isinusulat ang balitang ito.














