Hindi bababa sa pitong Palestinian ang nasawi matapos magsagawa ng panibagong airstrikes ang Israel sa Gaza Strip nitong Martes, kabilang ang limang nasawi sa refugee camp at dalawa pa sa isang sasakyan, ayon sa mga health official.
Ayon sa mga medic at residente, pinaputukan ng Israeli drone ang mga sibilyang lumabas ng kanilang bahay matapos umanong tangkaing pasukin ng isang Israeli-backed Palestinian militia ang isang lugar sa silangan ng Maghazi refugee camp.
Bukod sa limang nasawi sa naturang lugar, marami rin ang nasugatan sa pag-atake.
Sa pahayag naman ng Israeli military, sinabi nitong tinarget nila ang mga hinihinalang armadong indibidwal malapit sa armistice line ng Hamas at isinagawa ang strike upang alisin umano ang banta.
Samantala, dalawa pa ang nasawi at ilan ang sugatan matapos tamaan ng hiwalay na Israeli airstrike ang isang sasakyan sa lungsod ng Khan Younis sa katimugang bahagi ng Gaza.
Hindi naman nagbigay ng karagdagang detalye ang militar ng Israel at sinabi lamang na isa itong “targeted strike.”
Patuloy pa rin ang tensyon sa Gaza sa kabila ng ceasefire na naabot noong Oktubre sa pamamagitan ng negosasyong pinangunahan ng Estados Unidos.
Ayon sa Gaza health officials, nasa humigit-kumulang 900 Palestinians na ang nasawi sa Israeli strikes mula nang magkabisa ang tigil-putukan, habang apat naman na sundalong Israeli ang napaulat na nasawi sa pag-atake ng mga militanteng grupo.














