Kinakailangan na sumailalim sa plebisito ang panukalang pag-convert ng Naga City bilang isang Highly Urbanized City (HUC) matapos ang proklamasyong inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ang desisyong ito ay nakasalalay sa boto ng mga rehistradong mamamayan ng lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Emmanuel Onsay, Economist, sinabi nito na kwalipikado na ang Naga sa mga pangunahing rekisito para maging HUC, kabilang ang populasyong higit sa 200,000 at sapat na taunang kita. Sa kasalukuyan, ang lungsod ay may katayuang Independent Component City (ICC).

Kapag naging HUC, magkakaroon ang Naga ng mas malawak na awtonomiya sa pamamahala, pagpaplano, at pagbabadyet. Inaasahan ding makahihikayat ito ng mas maraming mamumuhunan sa mga sektor ng negosyo, real estate, at serbisyo na maaaring lumikha ng karagdagang trabaho.

Gayunpaman, binigyang-diin din ng mga eksperto ang mga posibleng hamon na kaakibat ng mabilis na urbanisasyon. Kabilang dito ang pagsisikip ng trapiko, pagtaas ng presyo ng mga bilihin at lupa, at paglawak ng mga komersyal na lugar sa mga dating lupang agrikultural.

Advertisement

Samantala, hinihikayat ang lokal na pamahalaan na maghanda ng mga programang tutugon sa mga isyung pangkapaligiran at panlipunan habang hinihintay ang resulta ng plebisito. Ang magiging pasya ng mga botante ang magtatakda kung tuluyang magiging Highly Urbanized City ang Naga o mananatili itong Independent Component City (ICC).

Advertisement