Inihayag ng Philippine National Police (PNP) ngayong Lunes na handa itong tumulong sa Federal Bureau of Investigation (FBI) sa pagtukoy at pagdakip sa isang Pilipino na iniuugnay sa online exploitation ng mga menor de edad gamit ang gaming at social media platforms.

Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., bukas ang pambansang pulisya sa pakikipagtulungan sa mga awtoridad ng Estados Unidos upang matunton si Austin Jan Sy Yatco, na kasalukuyang wanted sa Amerika.

“The Philippine National Police supports all efforts to make the online space safe for everybody,” pahayag ni Nartatez. Dagdag pa niya, “we are fully open to assisting the FBI to ensure that the suspect it has been looking for is tracked down and held accountable in coordination with other government agencies concerned.”

Naglabas ang FBI Dallas Office ng wanted poster para kay Yatco at nag-aalok ng $25,000 na pabuya para sa makapagbibigay ng impormasyon sa kanyang kinaroroonan. Ayon sa ulat, ipinanganak siya noong Agosto 1998 sa San Pedro, Laguna at may koneksyon sa Plano, Texas at Pilipinas, kung saan siya umano kasalukuyang naninirahan.

Advertisement

Ipinag-utos ang federal arrest warrant laban kay Yatco noong Enero 23 ng US District Court for the Eastern District of New York sa Brooklyn. Kinasuhan siya ng sexual exploitation of children at possession at distribution ng child sexual abuse material.

Ayon sa FBI, bahagi umano si Yatco ng isang online network na sangkot sa pamimilit sa mga menor de edad upang gumawa ng ilegal na materyales na ibinabahagi sa loob ng grupo mula 2019 hanggang 2021.

Sinabi rin ni Nartatez na patuloy ang beripikasyon ng mga intelligence reports at aktibong nakikipag-ugnayan ang mga specialized unit para sa cyber at ground operations upang matukoy ang eksaktong lokasyon ng suspek.

Advertisement