Photo © web

Pinatindi ng Philippine National Police ang kanilang kampanya laban sa disinformation sa gitna ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis, at nangakong kakasuhan ang mga responsable sa pagpapakalat ng maling impormasyon.

Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., seryoso ang ahensya sa pagtugon sa sinumang nagtatangkang magdulot ng hindi kinakailangang panic sa publiko kaugnay ng sitwasyon sa Middle East. “Hahabulin natin at kakasuhan kung sino man ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng maling impormasyong,” ani Nartatez.

Inatasan na rin niya ang PNP Anti-Cybercrime Group na palakasin ang pagbabantay sa social media at mga account na ginagamit sa pagpapakalat ng maling balita tungkol sa suplay ng langis at epekto nito sa ekonomiya. Gumagamit na rin ang mga lokal na pulisya ng kanilang sariling social media accounts upang kontrahin ang pekeng balita.

Binigyang-diin ng PNP na ang sinumang mahuhuling nagkakalat ng disinformation ay haharap sa kasong kriminal. Kasunod nito, pinayuhan ng Presidential Communications Office ang publiko laban sa pagpapalaganap ng maling impormasyon tungkol sa seguridad, suplay, o presyo ng enerhiya.

Advertisement

Ayon kay PCO Acting Secretary Dave Gomez, ang pagpapakalat ng maling balita ay maaaring magdala ng anim na buwang pagkakakulong sa ilalim ng Article 154 ng Revised Penal Code, at kung online itong ginawa, doble ang parusa alinsunod sa Cybercrime Prevention Act. Tutulungan naman ng Department of Justice ang PCO sa paghahain ng kaso laban sa mga nagpapakalat ng pekeng balita.

Advertisement