Paiigtingin ng Philippine National Police (PNP) ang operasyon laban sa fuel pilferage o pagnanakaw ng langis at ilegal na imbakan nito, ayon kay PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr.
Sa panayam, sinabi ni Nartatez na kasunod ito ng pagkakadiskubre ng imbakan ng diesel na walang permit sa isang residential compound sa Quezon City, kung saan nakumpiska ang mga dram ng langis. Iniulat ng mga residente ang kahina-hinalang paglilipat ng fuel mula tanker patungo sa maliliit na lalagyan.
Kaugnay nito, iniutos ng PNP ang masusing imbestigasyon at pinaigting na monitoring at intelligence operations sa buong bansa, katuwang ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ayon kay Nartatez, nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa Department of Energy upang matiyak ang matibay na kaso laban sa mga sangkot, habang nagbabala na mahaharap sa batas ang sinumang lalabag.














