NAGA CITY- Naniniwala ang hanay ng kapulisan na planado ang nangyaring pang-aambush sa pitong miyembro ng 2nd Provincial Mobile Force Company sa Labo, Camarines Norte.

Ayon kay PLTGen Guillermo Lorenzo Eleazar, OIC, PNP/Deputy Chief PNP for Administration, sa pagharap nito sa mga kagawad ng media, nais lamang umano ng mga pinaniniwalaang rebeldeng grupo na ipakita ang kanilang pwersa at mariing pagtutol sa pamahalaan.

Kasama na rito ang pagdiskaril sa mga proyekto ng pamahalaan para hindi matuloy ang pag-unlad ng pamayanan.

Kung maalala, pinadala ang pitong miyembro ng 2nd Provincial Mobile Force Company sa Barangay Dumagmang sa nasabing lalawigan para sana magpatrolya sa ginagawang Labo-Tagkawayan Road.

Kung saan rin naganap ang pananambang ng mga pinaniniwalaang rebeldeng grupo.

Kaugnay nito, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad para tingnan kung may nangyaring kapabayaan sa insidente.

Gayundin, ang pagtugis naman sa mga responsable sa pagkakasawi ng limang myembro ng kapulisan.

Nabatid na irerekober pa ng mga otoridad ang mga gamit na naiwan ng mga pinaniniwalaang rebeldeng grupo kasama na rito ang ibang improvised explosive device na ginamit ng mga ito sa sagupaan.

Sa hanay naman ng AFP, lininaw ni Col Jaime Abawag Jr. commander ng 902nd Infantry Brigade, Philippine Army na kaagad nagkaroon ng koordinasyon ang AFP at PNP para makapagpadala ng karagdagang sub-platoon sa kalagitanaan ng sagupaan ngunit, naantala ang mga ito dahil sa kalayuan ng lugar ng engkwentro.

Sa ngayon, nabatid na nasa mabuti ng kalagayan ang dalawang nasugatan sa nangyaring enkwentro laban sa mga pinaniniwalaang rebeldeng grupo.

Sa kabilang dako, nanawagan naman si Eleazar sa publiko na makipagtulungan sa kapulisan upang masugpo na ang talamak na terorismo sa bansa.