Naga City- Naghahanda na ngayon ang ilang mga bayan sa lalawigan ng Camarines Sur dahil sa inaasahang sama ng panahon dulot ng Bagyong Bising.
Una rito, isinailalim na ni Governor Migz Villafuerte sa blue alert status ang nasabing lalawigan at pinag-utos narin ang pagsasagawa ng mga pre-emptive evacuation lalo na sa mga high risk area.
Kaugnay nito, sa panayam ng Bombo Radyo Naga ki Mayor Jovi Fuentebella, sinabi nito na naka-aktibo na aniya ang kanilang mga Barangay Disaster Risk Reduction and Management Council(BDRRMC) oras na kailangan nang ilikas ang kanilang mga nasasakupan.
Kung sakali naman aniyang itaas na sa signal no 1 ang kanilang bayan ay agad na ililikas ang mga coastal barangays ng Nato, Patitinan, Turague, Sibaguan, Bongalon.
Kaugnay nito, minomonitor na rin ang mga barangay sa kabukirang parteng bayan dahil sa posibilidad na may dalang malakas na ulan ang Bagyong Bising na pwedeng magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Sa ngayon tiniyak naman ng alkalde na masusunod pa rin ang mga minimum health protocols sa mga itinalagang evacuation centers dahil may sapat umanong pasilidad ang naturang lugar para sa mga evacuees.