Itinuturing na “reasonable” ng Magsasaka Partylist ang pagtaya na maaaring umabot sa P60 hanggang P62 ang presyo ng kada kilo ng bigas pagsapit ng Setyembre, ayon kay Atty. Argel Cabatbat, chairman ng grupo.

Sa panayam, sinabi ni Atty. Argel Cabatbat, Magsasaka Partylist chairman at abogado, na bagama’t may inaasahang pagtaas sa presyo ng bigas, makakatulong ito sa mga magsasaka upang makabawi sa patuloy na pagmahal ng gastusin sa produksyon, lalo na sa pataba o abono.

Gayunman, nilinaw niya na hindi pa rin ito nangangahulugan ng malaking kita para sa mga magsasaka dahil nananatiling mataas ang presyo ng farm inputs.

Dagdag pa ni Atty. Argel Cabatbat, kung magtitipid naman sa abono ay posibleng bumaba ang ani, na magdudulot din ng negatibong epekto sa kita ng mga magsasaka.

Advertisement

Umaasa ang Magsasaka Partylist na hindi na lalagpas pa sa P60 hanggang P62 ang presyo ng bigas upang hindi mabigatan ang mga mamimili, at matamo ang balanseng presyo para sa parehong magsasaka at konsyumer.

Ipinahayag din ni Atty. Argel Cabatbat ang pangamba sa patuloy na tensyon sa Middle East na maaaring magdulot ng pagtaas ng presyo ng langis at iba pang bilihin, kabilang ang bigas, dahil sa posibleng domino effect sa pandaigdigang merkado.

Advertisement