NAGA CITY – Ibinahagi ng isang abogado ang proseso ng pagsasampa ng kasong adultery laban sa asawang babae kung ito ay napatunayang nakipagrelasyon sa ibang lalaki.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Robert Paul Arpa, Director ng Integrated Bar of the Philippines, sinabi nito na ang unang hakbang ay magsumite ng sinumpaang salaysay, kung saan kasama dito ang lahat ng detalye ng panloloko, kung saan ito nangyari at kung mayroong ebidensya na makakapagpatotoo mayroong nangyaring pakikipagtalik sa pagitan ng mga ito.

Matapos maihain ang sinumpaang salaysay sa Prosecutors Office, isang subpoena ang ibibigay sa kabilang panig upang ipatupad ang tinatawag na due process.

Nakapaloob din dito ang lahat ng detalye ng kasong isinampa laban sa nasabing indibidwal at bibigyan din ito ng panahon upang maghain ng counter affidavit para depensahan ang kaniyang sarili.

Pagkatapos nito, papasok ang preliminary investigation, kung saan magre-resolba ang piskalya.

Kung ang piskal ay may resulta na, malalaman kung ang reklamo ay granted o denied. Titingnan din kung may probable cause o kung may posibilidad na talagang nangyari ang krimen.

Kung sakaling may probable cause, maglalabas ang prosecutor ng “information” o pormal na akusasyon na isasampa nito sa korte, pagkatapos ay pag-aaralan ng hukom kung totoong nangyari ang krimen at maglalabas ng warrant of arrest para sa akusado.